Paano ma-Approve ang Application ng Website sa Google Adsense?

Paano ma-Approve ang Application ng Website sa Google Adsense?

Kung naghahanap ka ng reliable at totoong paraan para kumita online, malamang ay maraming beses mo nang narinig ang tungkol sa blogging o article writing. Kung pinag-aaralan mo pa lang kung paano gumawa ng website, o may website ka na at handa nang mag-apply sa Ads, o ikaw ay nag-apply na sa AdSense, ituturo ko sayo kung ano ano nga ba ang dapat at tamang gawain para mas mabilis maaproved ang iyong aplikasyon sa Google Adsense?




Base sa aking karanasan, noong una akong nag-apply sa AdSense ay inabot ng 7 araw bago ako nakatanggap ng rejection notice. Pinanghinaan agad ako ng loob at inisip na nagsayang lang ako ng pera nang bumili ako ng domain name at hosting service. Dahil hindi ko pa kilala si WordPress, nasayang lang ang halos tatlong buwan ng pag-aaral para gumawa ng aking kauna-unahang website gamit ang html. Pakiramdam ko ay sobrang malas ko dahil sinunod ko naman ang lahat ng payo ng mga eksperto per ni-erject ako, subalit madami sa mga baguhang gaya ko ay na-approve ang application. Naisip ko na bakit halos 5% lang ng mga application ang natatanngap kung sinusunod naman ng nakararami ang tamang pamamaraan ayon sa mga eksperto? Hindi kaya may mali sa mga pinapayo nila?

Sinubukan kong muli na ayusin ang aking website at SEO sa sariling pamamaraan na aking nauunawaan, at laking gulat ko nang ma-approve ang aking blog! Dahil dito, ituturo ko sa inyo ang mga simpleng pamamaraan na napatunayan ko na base sa sariling karanasan, na magpapabilis ng iyong aplikasyon sa Google AdSense.

 

Ano ang Google AdSense?

Bago tayo mag-umpisa, alamin muna natin kung ano nga ba ang Google AdSense.

Ano ang Google AdSense?

Ayon kay Wikipedia, ang Google Adsense ay isang program na pinapatakbo ng American tech giant company na Google, kung saan ang mga may-ari ng websites (website publishers) na konektado sa Google Networks ay maaaring mag-palabas ng mga patalastas sa anyo ng Text, Image, Video, at mga interactive advertisement.

Ang mga patalastas na lumalabas sa ay binabayaran ng mga Advertisers, upang magkaroon ng mas malawak na visibility ang kanilang mga produkto at serbisyo. Bilang isang publisher na aprobado ng google, ang mga patalastas ay lilitaw sa iyong website, at dito nag-uumpisa ang ating business.

Ang Google Adsense na isang third-party advertising vendor ay ang pinaka-popular at ginagamit ng mas nakararaming publisher. Sa modernong panahon ngayon, ito ay nagbibigay ng hanap-buhay para sa nakararami, at nagsisilbing malawak na oportunidad para sa nakararami. At ito ang dahilan kung bakit napakaraming website ang nagkalat sa world wide web, gaya ng blog at iba pa na nag o-offer ng serbisyo.

 

READ: Google AdSense no longer offering Western Union as payment gateway

 

Paano kumita gamit ang Google Adsense?

May tatlong Platform na kailangan mong malaman upang kumita sa Google Adsense. Ito ay ang website, application at Youtube channel.

  1. Website – Kailangan mo ng isang website na mayroong maganda at de-kalidad na content. Maaari itong self hosted kung saan kailangan mong bumili ng domain name, web hosting service, at iba pa. Maari din namang mag-register sa mga free blog hosting site gaya ng WordPress.com at blogger.com. Ang iyong content ay kailangang lumalabas sa mga search engines gaya ng Google.com at mga social media sites gaya ng Facebook at Twitter.
  2. Application – Una, kailangan mong maging isang software developer upang makagawa ng mga apps sa android at ios. Susunod, dapat ito ay available i-download sa Google Play o sa Apple App Store.
  3. Youtube – Kailangan mong maging isang content creator, at mag-upload mga mga orihinal at de-kalidad na video sa iyong Youtube channel.

Ang pinaka-importante sa lahat ay kailangan mo ng madaming visitors o audience, kung saan, ipapakita natin ang mga patalastas na binayaran ng mga advertisers.

Halimbawa, nag sulat ka ng blog sa isang website na patungkol sa mga sasakyan, at ibat ibang topic na maaaring na katulad nito. Kung nasunod mo ang tamang Search Engine Optimization, ito ay magiging available na sa mga search engines. Hindi magtatagal ay magkakaroon ka ng mga audience na interesado sa mga isinulat mo, at bibisita sa website mo upang magbasa at mag-kumento. Ang mga patalastas ng mga Google advertisers ay lilitaw sa iyong webpage at magiging visible sa mga targetted audience o visitor ng iyong artikulo.

 

Dalawang paraan kung paano kumita sa AdSense

  1. Views – Babayaran ka depende sa dami ng nakakita ng patalastas. Ang kalidad ng pinanggalingan ng mga traffic ay direktang nakaa-apekto sa presyo ng patalastas. Mas malaki ang presyo kung ang traffic ay nanggaling sa Google search, at ang audience ay bago lamang o hindi pa nakakabisita sa iyong website.
  2. Clicks – Babayaran ka sa bawat clicks ng iyong audience. Ang presyo ay nakadepende sa offer ng advertisers, sa kalidad ng iyong content, dami ng page-views o traffic na nakukuha mula sa tunay na audience (hindi robot) at madami pag iba. Halimbawa, mas malaki ang binabayad ng mga advertisers na nabebenta ng sasakyan kumpara sa mga nagbebenta ng groceries sa online.

 

READ: Paano ma-approve and AdSense application para sa Youtube Channel

 

Paano ma-approve ang Website sa Google AdSense?

Sa section na ito, ipapaliwanag ko kung paano maa-approve ang iyong application sa adsense kung ikaw ay gagawa ng website gamit ang WordPress. Kung wala ka pang website, pumunta sa ibabang bahagi upang malaman ayon tutorial ko, kung paano gumawa ng website gamit ang WordPress.

 

Ihanda ang iyong website

Ang isa sa mga dapat mong pagtuunan ng pansin ay ang tatlong pinaka-mahalagang pages na dapat mayroon ang iyong website.

  1. About Me/Us – Ilahad mo dito kung sino ka bilang author, o ang organisasyon na may kontrol sa website. Ipaliwanag ng detalyado ang mga impormasyon tungkol sa website gaya ng topic na balak mong isulat.
  2. Contact Me/Us – Ilagay ang mga pamamaraan kung paano ka mako-contact ng audience na bibisita iyong sa website. Maaaring ito ay numero ng telepono, email address, at mas maganda, kung mayroon kang physical na mailing address.
  3. Privacy Policy – Ipaliwanag mo dito kung ano-ano ang mga data o impormasyon na kinukuha ng iyong website, bakit ito kailangang kolektahin at ano ang mga pamamaraan na iyong ginagawa para protektahan ang data ng mga audience.
  4. Terms and Condition – Karamihan sa mga website ay walang terms and condition page, kung saan nakasaad ang mga karagdagang policy sa pagitan ng publisher at user. Ang terms and condition ay higit na kailangan kung pinapayagan mo ang mga audience na gumawa ng account sa iyong website. Ito ay gaya ng mga forum, eCommerce (online shop), social media, online communities at iba pa na nangangailangan ng istriktong policy para ayusin ang behavior ng mga audience.

 

Simulan ang Search Engine Optimization

Kung live na ang iyong website at may mga naka post na article dito, kailangan na natin itong palabasin sa mga search engines gaya ng Google at Yahoo.

Kung walang search engine, paano mo kaya mararating ang website na ito para malaman ang mga inaalam mo? Paano mo malalaman na may tutorial na ganito sa website ng frontonet? Huhulaan mo ba ang url ng page na ito? O huhulaan mo din ba at sasabihing, “may tutorial kung paano ma-approve sa Google Adsense sa website ng www.fontaga.com at ang URL nito ay www.fontaga.com/XXXXXXXX”? Dito pumapasok ang search engines.

Ang search engine ay ang website na naglilista ng mga webpages sa buong web. Kagaya ito ng index sa library kung saan nakalista ang lahat ng mga aklat base sa pangangalilangan ng mga naghahanap.

Pero hindi lahat ng webpages ay inililista ng search engine gaya ni Google.com. Committed kasi sila na ibigay sa tao ang karapat dapat na webpages base sa hinahanap nito. Gugustuhin mo nga ba na ibigay ni Google ang website na hindi naman masasagot lahat ng gusto mong malaman? Natural hindi!

Dito pumapasok ang SEO, ang masalimuot na pamamaraan para palitawin ang iyong webpage sa mga search engines. Sundin ang mga payo sa ibaba para maging search engine friendly ang iyong webpages.

  1. Gumawa ng marami at de-kalidad na backlinks – Kailangan mong mag post ng iyong mga link sa ibat ibang website sa pamamagitan ng Guest Posting. Maghahanap ka ng iba pang website owner para ipost ang iyong article sa kanilang website na may link pabalik sayo. Sa ganitong paraan, iisipin ng mga search engines na popular at mapagkakatiwalaan ang iyong website. Mae-establish din ang iyong niche online sa pamamagitan ng maraming backlinks. Halimbawa, kapag sinabing www.frontonet.com, ang agad na iisipin ng mga tao ay isang online publishing site kung saan makakapag post ng article (guest post) ng libre.
  2. I-claim ang social media profiles – Hindi lang ang Google.com ang itinuturing na pinaka malaking search engine sa mundo, narito din ang mga social media sites gaya ng Youtube, Facebook at Twitter. Gumawa ka ng mga profile sa ibat ibang social media sites at ikwento ang mga topic na nais mong malaman nila. Dahan dahan sa pag popost ng mga link dahil hindi maiiwasan na iba-banned nila ang iyong profile o ang mismong website dahil sa pag-aakalang nagi-spam ka.
  3. Pag-aralang mabuti ang iyong keyword – Paano ka nakarating sa webpage na ito? Hindi mo naman siguro hinulaan ang link ng article na ito? Hindi nga ba? Malamang, gumamit ka ng search engine gaya ng Google.com, at nagsearch ka “kung paano maa-approve ang iyong blog sa Google AdSense?” At yan ang isa sa mga keyword ng webpage na ito. Kailangan mong pag-aralan at tuklasin kung ano ano ang mga keyword ng iyong article, at alin dito ang nagdadala ng pinaka-maraming organic traffic.
  4. Pabilisin ang pag-load iyong website – Nagre-research ka ‘kung paano maapprove ang iyong application sa Google Adsense,’ nang makita mo ang sa search result ang page na ito. Dahil interesado ka sa resulta, pinindot mo ito at nag-umpisang mag loading, hanggang sa inabot ng 1 minuto at wala pa ding lumilitaw na sulat o larawan sa pahinang ito. Nakaka-inip at nakaka-asar di ba? Ayon sa mga eksperto, kapag ang website ay hindi nag-load matapos ang limang (5) segundo, 70% o pito (7) sa sampung (10) visitors ang umaatras at bumabalik sa search result upang maghanap ng webpage sa iba pang mga resulta. Maraming dahilan ang pag-bagal ng website (maliban sa mabagal na internet) gaya ng mabagal na web-server, dami ng traffic sa kasalukuyan, hindi magandang pagkakaayos ng webpage, napakaraming advertisement at iba pa. Ito ang dahilan kung bakit ko inererekomenda na pumili ng magandang web hosting company na swak sa budget mo.

 

Mag-Apply sa Google AdSense

Kung marami-rami nang audience at natatanggap na visitors, ibig sabihin ay gumana ang ginawa mong SEO. Oras na para mag-apply at pa-aprobahan ang iyong website kay Google AdSense.

Pumunta sa adsense.google.com at mag-login kung may Google Account ka na. Maaari ka namang mag register sa accounts.google.com.

Kapag nasa dashboard ka na, hanapin/pumunta sa “Websites” at i-click ang Add website button. Ilagay ang domain name ng iyong website gaya ng www.frontonet.com, i-click ang submit. I-copy ang code na ibibigay ni Google at i-paste ito sa header part ng website mo, kung ikaw ay gumagamit ng WordPress.

Kung ikaw naman ay gumagamit ng blogger.com, pumunta sa dashboard nito at hanapin ang monetization. Kapag nasa monetization ka na, i-click ang apply for monetization at wala ka ng setup na iintindihin, kumpara sa WordPress.

Ang pag-aproba ng iyong website ay tumatagal ng 24 oras hanggang 7 araw, dipende sa dami ng application at sa kalidad ng iyong website. Base sa aking pag-aaral at experience, kapag ang website ay may kalidad, ito ay naa-aprobahan agad habang ang mga website na iilan lang ang artikulo na naka-post, at may mababang kalidad, ay inaabot ng hanggang 7 araw.

Makakatanggap ka ng email notification mula kay Google tungkol sa iyong aplikasyon sa loob ng 7 araw.

 

Gumawa ng Dekalidad na content

Ano ang dahilan kung bakit bibisitahin ng mga audience ang iyong website? Ano nga ba ang mapapala nila sa pagba-browse? Wala naman sigurong audience ang mag-aaksaya ng oras, pagod, at pera para sa kuryente at internet connection para lang magbrowse sa isang website na wala naman silang mapapala? Tama hindi’ ba?

Ito ang isa sa malaking bagay na natutunan ko sa nakalipa na limang taon ng pag-gawa ng website.

“Hindi ka dapat gumawa ng website kung ang pangunahing layunin mo ay ang kumita.”

Kung ang pangunahin mong dahilan sa pag-gawa ng website ay ang kumita, wala ka talagang kikitain.

Masama bang maghangad kumita? Hindi po masamang maghangad kumita dahil sino nga ba ang hindi nangangailangan? Ang ibig kong sabihin, kung pera ang lagi mong iniisip habang ginagawa ang isang bagay, sa pera ka naka focus at hindi sa pagpapaganda ng bagay na ginagawa mo. Ang resulta, wala kang kinita.

 

Ano nga bang content ang dapat kong ilagay sa website?

Bago ka mag-apply sa AdSense, isipin mo muna kung ano ba talagang purpose ng website mo. Narito ang ibat ibang mga ideya na maaari mong ikonsidera. Subalit paalala lamang, na dapat mong piliin kung ano nga ba talaga ang bagay sa kagalingan mo, saan ka eksperto, ano ang nahihiligan mo, ano ang magpapasaya sayo habang ginagawa mo ito.

  1. Online tool – Kung ikaw ay may kakayahan at kagalingan sa pag-gagawa ng mga program, maaari kang gumawa ng software na pwedeng makatulong sa mga audience online. Isa na dito ang Internet Speed Stabilizer, isang online tool na ang layunin ay gawing stable ang internet connection. Ginawa ko ito para lamang sana sa pansariling kapakinabangan dahil labis akong naaapektuhan ng mabagal na internet. Ipinasubok ko din ito sa mga kakilala na may unstable na internet, at dahil na solusyonan nito ang kanilang problema, naisip ko na mas marami pang tao ang matutulungan ko kapag inupload ko ito online.
  2. Entertainment – Marami akong naririnig na negatibong komento tungkol sa ilang mga yumaman na pinoy youtuber. Tila wala naman daw silbe ang mga pinag-gagawa sa kanilang videos pero sila pa ang nakakakuha ng maraming atensyon. Hindi ko sasangayunan ito dahil naniniwala ako na lahat ng bagay ay may silbe, kahit na para sa iyo ay patapon ito. Noong ako ay na-depress, hindi na pumapasok sa paaralan at ayaw nang lumabas ng bahay, nasasagot ng entertainment industry ang kalungkutan ko at natulungan ako nito sa muling pagbangon. Sino nga ba hindi gustong maging masaya?  Lahat tayo ay may pagkakaiba iba sa panlasa pagdating entertainment gaya ng musika, pag-arte, pagtatanghal, pelikula, artista, lifestyle, pagkain, at marami pang iba.
  3. Informative – Kung nais mo namang matulungan ang mga taong kabilang sa iyong niche, maaari mong ituro ang iyong mga nalalaman sa pamamagitan ng pagsusulat. Ito ay tulad ng pagbibigay ng tips, advises o payo, paglalahad ng karanasan, at tutorials na gaya ng ginagawa ko ngayon.
  4. News – Ito ay bagay sayo kung ikaw ay nahihilig sa journalism o pamamahayag ng mga pangyayari (current events), opinyon o pag-susuri, (analysis). Dahan dahan lamang sa pagsusulat nang wala kang matatapakang kahit sino sapagkat marami ang hindi makakaintindi sayo at sa isniluta mo. Dahil maraming masyadong sensitibong usapin at mga tao na sangkot dito, ito ang maaaring magpahamak sa iyo. Minsan na akong nagsulat ng balita at opinyon tungkol sa isang usapin subalit pinutakte ako ng mga trolls o mga bayarang tao, online. Dahil sa tindi ng politika sa bansa, marami ang nagpapakalat ng maling impormasyon, at kapag hindi nila magustuhan ang inilahan mo, katotohanan man o opinyon, hindi lang sandamakmak na pagbatikos kundi pananakot ang gagawin nila sayo. Hindi na rin naman bago ang ganitong sitwasyon sa bansa, kaya kung ikaw ay walang lakas ng loob na harapin ang mga taong gaya nito, huwag ka nang tumuloy.
  5. Forum – Ito ay isang website na kung saan, papayagan mong mag-interak ang mga audience na interesado sa isang niche o topic. Ito ay binubuo ng mga exksperto at mga baguhan sa larangan na kabilang sila. Ang mga myembro ay maaaring mag post ng mga katanungan at sasagutin naman ito ng iba pa base sa nalalaman at kakayahan nila.
  6. Classified Advertisement – Ang pinakang malapit na halimbawa nito ay ang Pinas Bentahan Online, na ang layunin ay matulungang ang mga maging visible sa online ang mga produktong binebenta at padaliin ang paghahanap ng mga pangangailangan ng konsyumer.

 

Alin man sa mga uri ng website na nakalista sa itaas ang napusuan mo, bago mo simulan ay pagisipan mo kung ito ba ay makasasagot ng mga problema o makapagbibigay ng pangangalilangan ng mga audience o visitor sa online.

 

15 Niche na pinakang pinagkakakitaan sa Pilipinas

Narito ang listahan ng mga niche o topic na may pinaka-malaking presyo ng advertising, na pwede mong pag-piliian.

  1. Travel
  2. Finance
  3. Business
  4. Insurance
  5. Real States
  6. Fashion
  7. Gaming
  8. Beauty, Health & Fitness
  9. Products and services reviews
  10. Animals
  11. Profession
  12. Passion or Hubbies
  13. Technology
  14. SEO
  15. Parenting

 

Gumawa ng Website

Kung ikaw ay baguhan at iniisip mo na mahirap ang gumawa ng website lalo na kung wala ka pang kaalaman, hayaan mong gabayan kita sa mga dapat mong gawin.

 

Ano ang WordPress?

Ang wordpress ay ang pinaka-kilala at simpleng content management system o CMS software na ginagamit upang makagawa ng mga websites. Ayon sa mga tala, mahigit sa 35% ng mga live websites sa buong mundo ay gawa sa WordPress. Ito ay gawa sa PHP (isang programming language na ginagamit upang makagawa ng mga dynamic na website) at gumagamit ng MySQL database, bilang basehan ng lahat ng settings at laman ng buong website.

 

Bakit kailangang gumamit ng WordPress?

Sa aking karanasan, inabot ng tatlong buwan ng pag tuklas at pag-aaral bago ko nagawa ang aking kauna-unahang website gamit ang html, css, xml, at kaunting php. Dahil nahirapan na akong tuklasin ang PHP, na para sa akin ay ang pinaka-importanteng programming language, ay nagkaroon ng limitadong features o kakayahan ang aking website. Maging ang paglalagay ng simpleng comment box at pag lilista nito sa database ay naging isang malaking pag-subok para sa baguhang tulad ko, at dito ko nakilala ang WordPress.

Sa WordPress, hindi mo na kailangang pag-aralan ng lubos ang PHP dahil ito ay ginawa para sa mga baguhang tulad ko. Libre ang pag-install ng WordPress bastat ang supported ito ng iyong web hosting company.

 

Ano anong website ang maaaring gawin gamit ang WordPress?

  1. Blog – Gaya ng mga articles, news, magazines, portfolio at marami pang iba.
  2. eCommerce – Maaari kang gumawa ng sarili mong online store gaya ng www.fontaga.com gamit ang eCommerce plugins na WooCommerce.
  3. Business Pages – Pwede din gamitin ang WordPress para sa mga small, medium at corporate business websites.
  4. Social Networks – Maraming available na plugins para gawing isang online community ang iyong website gaya ng Buddy Press.
  5. Online Tools – Kung ipag-papatuloy mo ang pag-aaral ng PHP, makakagawa ka ng mga online tool gaya ng Internet Speed Stabilizer at madami pang iba.

 

Ano ang pinagkaiba ng WordPress.com sa WordPress.org?

Ang WordPress.org o mas kilala sa tawag na self-hosted WordPress ay isang libre at opensource na software, na kailangang i-install sa iyong web server. Ang kagandahan dito, hawak mo ng buong buo ang lahat ng data ng iyong website na maaari mong i-backup at i-download sa kahit anong oras kumpara sa WordPress.com.

Dahil self hosted ang iyong website, kailangan mong bumili ng web hosting services, kung saan uupahan mo ang space kung ito ay shared hosting, o ang buong web server. Kailangan mo ding bumili ng sariling domain name at iba pang services para mapatakbo mo ng maayos ang iyong website.

Ang WordPress.com naman ay powered ng WordPress.org software, kung saan kagaya ng blogger.com na maraming limitasyon, ay bibigyan ka ng sarili mong subdomain gaya ng frontonet.wordpress.com. Dahil sa mga limitasyon na ito, hindi natin maaaring lagyan ng Google AdSense ang WordPress.com.

 

Paano gumawa ng website gamit ang WordPress?

Sundin ang mga sumusunod para makagawa ng iyong unang WordPress website.

 

Bumili ng domain name

Bumili ng domain name na bagay sa niche ng blog na gusto mong i-publish. Ang domain name ang magiging web address ng iyong website gaya ng www.frontonet.com. Marami kang pag-pipiliang domain name registrar kung saan makakapili ka ng domain name na gusto mo. Pero tandaan natin na malaki ang ginagampanan ng domain name sa SEO kung kaya kailangan na pag-aralang mabuti ang pipiliing web-address para mas madaling maging visible ang iyong website. Kung wala ka pang ideya kung paano pumili ng domain name na aangkop sa niche na gusto mo, inererekomenda ko sayo na bumili sa www.fontaga.com. Sa halagang P499.00 ay makakapili ka ng magagandang domain name mula sa rekomendasyon ng mga eksperto na swak na swak na sa gusto mo, akma pa sa niche ng blog na binabalak mo.

 

Bumili ng hosting service

Una, para makagawa ng website gamit ang WordPress ay kailangan mong bumili ng web hosting server na nagkakahalaga mula P50.00 hanggang P1,500.00 kada buwan. Kung ikaw ay nagsisimula pa lamang at kapus sa budget, inirerekomenda ko sayo ang Stellar Shared Hosting ng namecheap.com sa halagang $2.88 o P144.00 kada buwan.

 

I-point ang domain sa hosting server

Ang pinaka masalimuot na steps ay ang pag-setup nito. I-point ang domain name sa iyong web hosting server. Hintaying mag propagate iyong setting sa domain name server sa buong mundo na kung minsan ay inaabot ng hanggang 7 araw, dipende sa setup.

 

I-install ang WordPress

Kapag nai-point na ng dns ang iyong domain papunta sa web server, maaari mo nang i-access ang CPanel at pumunta sa apps/software installer. Ang setup ay magkakaiba dipende sa hosting provider na pinili mo. I-download ang WordPress at i-install.

 

I-Setup ang WordPress

Kapag successful ang installation, maaari ka nang mag-login sa iyong WordPress admin page at mag-umpisa sa full set-up nito.

 

Shortcut

Kung gusto mong mapa-dali ang pag-gawa ng website gamit ang WordPress, maaari ka din namang bumili ng ready-to-use site mula sa Fontaga. Sa pinakamababang halagang P3,599.00, wala ka nang set-up na kailangang gawain dahil lahat ng idea at gusto mo ay ihahanda na ng mga experto. Kasama na dito ang domain name at lahat ng mga dapat ilagay sa isang website upang mas mapadali ang pagsusulat at pag mamarket nito. Isa pang pinaka magandan sa offer na ito ay mas madali na ang pagpapa-approve ng iyong website sa Google AdSense kung kayat hindi ka na uubos ng mahabang panahon para sa trial and error.

 

Conclusion

Kung gusto mong higit na matutunan pa kung paano ma-approve ang iyong aplikasyon sa Google AdSense para sa Youtube, at Website gamit ang Blogger o WordPress, maaari mong basahin ang iba pang tutorials, step by step kasama ang madami pang mas advance na techniques at tips.

Kung may mga katanungan ka tungkol sa iyong pag-aproba ng iyong AdSense application, mag-leave lang ng comment sa ibaba. Maaari mo din akong i-message gamit ang frontonet account, mag-signup at susubukan kong sagutin ang iyong mga katanungan, at maging personal adviser mo, ng walang binabayaran.

 

 


This article was published on September 11, 2020, and updated on September 25, 2020.


Gusto mo bang maging successful ang iyong blog? Mag-subscribe sa aming newsletter para makatanggap ng mga email updates na makatutulong sa iyong blogging journey!

Josh Salcedo
Author: Josh Salcedo

I am Josh, the man behind Frontonet, a Freelancer, Tech-Enthusiast, and Web Developer. I spend my day writing articles, developing & designing websites for me and my client.

2 thoughts on “Paano ma-Approve ang Application ng Website sa Google Adsense?

    1. Hi Vanessa, as of now wala pa akong naipa-published na tutorial on how to create website using Wix. However, you can send me a private message for free tutorial while writing an article about Wix.

Leave a Reply